ni J. Dennis Teodosio
Lagi tayong pinupukol ng kantiyaw
Dahil hindi natin kinasanayan limahid at galos
Ng luksong-baka at tumbang-preso. Kaya madalas
Pinipili nating magtago sa malaking aparador
Sa kwarto ni Tiya Bebang. Doon walang tumutukso
Gaano man kalutong ang ating mga hagikhikan.
Napagsasaan natin masasayang sandaling walang
Balyahan o bruskong harutan. Minsan kinati
Tayong gayahin hilig na laro nina Ate. Humiram
Tayo ng matitingkad na kulay sa bahaghari
At salit-salitan silang ginamit upang iguhit, buhayin
Sa nakatungangang puting kartolina,
Dalawang manikang papel ng ating pantasya.
Hinayaan nating ikurba ng talim ng gunting
Kanilang alindog, hubog, kabuuan.
Hindi tayo nagkamayaw sa galak nang mamalas
Kakaibang likha ng ating imahinasyon.
Ang isa, pinangalanan mong Sandra, pagkilala
Sa pinipintuho mo sa eskwela. At ang isa,
Binansagan kong Sophia, ang dahilan hindi mo
Nabatid, Tol, dahil inilihim kong kusa.
Sa mga taong mabilis na lumipas,
Higit na naging maigting ating pagkakaibigan.
Hindi natin namalayan, dalawang pirasong papel
Ng ating kamusmusan nagkaroon ng hininga, puso,
Dugo’t laman. Si Sandra iyong pinakasalan.
At naging ako si Sophia wagas sa iyong nagmamahal:
Ni walang kapalit na inaasam kung hindi manatili
Sa loob ng aparador na pinagtataguan at buhayin,
Pag-ibig na hindi maibibida sa mga kumpare at inuman.
This is one of the poems contained in the book, Ang Ladlad by Danton Remoto and a colleague (whose name escaped my mind). I think it is really sad and unfortunate. When I read this to my friend, she cried. I think that more than everybody else, closet gays are the ones who have the most number of ‘inner battles’, the man vs. himself blah that we usually pick up from our Gender and the Community subjects.
I feel for them in this case, because I believe that there is a gay personality within me (seriously) and most people I know. Sige lang ah, just be happy lang ta, mga kapwa ko bakla. :))